Ni: Aliana Singian | Dibuho’t Anyo: Romniel Cape
Kanina may umamin na naman sa kaibigan ko, at sa kasabay na mga araw ay may nagtanong din sa’kin kung may puso ba para magmahal ang mga lingkod ng bayan — sa hapon ding iyon bago matulog ang haring-araw ay sabay naghahanap ang barker ng komyuter, Cabanatuan hanggang Fort Magsaysay, ”Isa na lang kulang! ‘Yung walang jowa!”
At sa araw-araw na pagkakataon pinapalibutan ako ng pag-ibig, at sa mga panahong ito sirang-plaka rin ang tugon, baka naman hindi para sa’kin ‘yan, baka naman para sa iba ‘yan.
Sa jeep ng Palayan-Cabanatuan may mag nobyong magkatabi at hati sila ng earphone, gitgitan, siksikan — sinasardinas na kami sa gabing malamig,
Pero akalain mo nga naman,
May sarili pa silang mundo.
Sabi sa’kin ng isang kaibigan kong aktibista, na ang puso namin ay nasa masa — kaya siguro walang naglalakas loob na mahalin kami, dahil ang puso namin ay nasa kalye ng Mendiola, nasa labas ng news station, nasa kalsada — kanayunan, palayan, katubigan.
Pero ‘yung akin, nasaan?
Hindi ko alam, pinagpasa-pasahan, lamog-lamog pang ibabalik, pero nasa masa na ‘di ba? Ano pang hinihingi ko?
Siguro dahil, sa mundong pinalaki ako na isang karangalan ang maging bayolente, at dahas ang sangkalan ng pag-ibig, nakasanayan kong paikutan ang sarili ng pader na walang makakaakyat, dahil sa tagal ng panahon at patuloy na umiinog ang mundo, ang sukdulang subukan ako na mahalin ay wala. At sa bansa kung saan ang tanikala ang nananaig, ang administrasyon na siyang nangakong biro, at tumawa nang walang pakundangan – kung saan kuwarta ang korupsyon para sa buhay na tahimik, at hindi ka mapapakain ng dangal – siguro dahil sa mundong iniikutan ko ay tingi-tingi na lamang ang mga rason para magmahal, ang pagtaya ay hindi na sinusubukan.
Pero ganoon kaming lingkod bayan, manghihingi lamang ng kaunting oras sa limpak-limpak na gawain ng dyaryo, manghihingi lang ng isang gabi para makaupo, makausap ka, dahil sa bigat na dalahin ay nais din namin ang ginhawa, sabi nila, puno kami ng pag-ibig – mayroon pang ititira para sa’yo.
At kahit pa sa labas ng dyaryo kami ay lider-estudyante, mag-aaral na naghahabol ng iba’t-ibang asignatura, hindi rason ang pagod sa paglilingkod, aktibo kaming nagmamahal – punong-puno, makatao, totoo, marangal.
At sa araw ng mga puso, kahit ba’y minsan nakakapagod hanapin ang patutunguhan sa maingay na mundo, tataya pa ‘rin ang pusong hinubog ng masa, ganito kaming lingkod-bayan.
Masa man o ikaw ang nagmamay-ari ng puso, tataya pa ‘rin sa ngalan ng serbisyo, sa ngalan ng pagsulat, at sa ngalan ng pag-ibig.
[E]